Manunulat na Ayaw Makinig
by: J. Reylan B. Viray
Gusto ko ang larangan ng pagsusulat. Marami sa mga magagaling at kinikilalang mga manunulat ang hinahangaan ko. Ang realistikong istilo ni F. Sionil Jose at ang kanyang namumukod na paggamit ng dayuhang wika sa anyo ng wikang Pilipino ay pinagpipitagan ko. Ang kanyang mga payak na tauhan na sumasalamin sa kapwa payak na katayuan nila ay nagbibigay ng kakaibang kulay sa kanyang mga nobela. Tulad na lamang ng karakter ni Pepe na kanyang binigyan ng hininga sa “Mass”. Siya ay isang ordinaryong lalaki na isinilang sa isang ordinaryong abnormal na sitwasyon.
Tuwing ako’y nakakabasa ng mga obra ng mga sikat at iginagalang na mga manunulat, akoy nabubuyo at naaanyaya na magsulat. Makalikha man lamang sana ng mga sulatin na kung hindi man malapit sa kalidad ng mga obra nila, sana makabuo man lamang ng anuman kahit wala itong literary value . Naniniwala kasi ako na ang proseso ng paglikha mismo ang siyang sining at hindi ang obra. Hindi ba’t ang manunulat ay lumilikha hindi dahil sa kagustuhan ng iba?. Siya ay nagsusulat dahil gusto niyang makapagbahagi ng isang aspeto ng kanyang diwa. Ang kanyang layunin at ang karampatang kilos na isinagawa niya upang makabuo ng anuman ang siyang banal. Ang proseso ng becoming ang siyang nagbibigay kahulugan sa anumang obra.
Hindi na lamang lilima ang nagsabi sa akin na ako ay walang kinabukasan sa pagsusulat. Hindi raw ako marunong sa gramatika. Mali-mali daw ang aking paggamit ng mga salita. Maraming mga maling pagbabaybay. Hindi raw organisado ang aking mga obra. Wala nga daw lohikal na ayos ang aking mga ideya. Ang mga parapo ko daw ay hindi magkakaugnay. Madali’t salita, hindi ako biniyayahan ng talento sa pagsusulat. Ang mga puna na ito ay hindi kailanman pumigil sa akin upang magsulat pa ng iilang mga akda. Inisip ko: ang aking pagsusulat ay isang pagbibigay lamang ng daan sa aking diwa na nananahan sa aking isip at kokote. Kung pangit sa tingin ng iba ang aking mga akda. Wala akong pakialam. Nagsusulat ako para sa aking sarili at hindi para sa kanila. Ang isang manunulat ay kailangang hindi alipin ng sinuman. Kung pababayaan kung alipinin ako ng opinyon at kritisismo ng iba, ako’y hindi magiging masaya. Di ba’t maikli lamang ang buhay? Kung pababayaan natin na alipinin tayo ng mga magagaling sa gramatika at mga dalubhasa sa pagpupuna ng mga obra, hindi natin makakamit ang tunay na kalayaan. Kalayaang ipahayag ang ating gustong ipahayag. Isulat ito sa istilo na ating pinili at iniayos sa organisyaong ating nais. Kung ang isang manunulat, bihasa man ito o baguhan, ay palaging nagpaparaya sa nais ng kanyang mambabasa o ng kanyang mga kritiko, siya ay hindi na dapat pang magpatuloy sa kanyang ginagawa. Kung gayon, hindi mo la mang ipinapakita ang iyong karuwagan kung hindi pinamamalas mo rin ang iyong pagtangap ng iyong taglay na kahinaan. Di bat ang pagsusulat sana ang maging daan upang ang isang nilalang ay maging ganap na malaya, matapang at masaya?
Ang gramatika. Ang mga batas ng gramatika sa alin mang wika ay kailanman’y hindi permanente. Palaging nagbabago ang mga ito. Ika nga sa ingles: rules in grammar are constantly changing. Di ba’t ang plural ng ‘evidence’ noon ay ‘evidence’ din. Di ito sinusundan ng ‘s’, ngunit sa bagong batas ng gramatika, tinatangap na ang ‘evidences’. Kung gayon, ang pagsunod sa batas ng gramatika ay hindi praktikal. Bakit mo susundin ang isang batas na alam mo naming hindi magtatagal. Ang iyong obra ay maaring manatili ng mas matagal na panahon kaysa sa batas ng gramatika. Isipin ang isang sitwasyon na ang isang obra o akda na naisulat na nang matagal na panahon, nung panahong ang batas ng gramatika ay kaiba sa batas ngayon, binabasa ng makabagong mambabasa. Di ba’t magmumukhang tanga ang awtor. Imposible naman na masunod ng sinaunang awtor na ito ang makabagong batas gayong siya’y isa na lamang alikabok sa aklatan.
Minsan tinanong ako ng isa sa mga istudyante ko sa panitikan ng isang napakahirap na tanong. Aniya: Sir ang pagsulat po ba ng tula ay kailangang may mga tuldok? Inisip ko, ano nga kaya ang tamang sagot dito. Maaaring ‘oo’ o ‘hindi’. ‘Oo’ kailangan ang tuldok dahil sa ang tula ay kagaya rin ng ordinaryong mga pangungusap na may kumpletong diwa. Kapag ang isang diwa ay naibulalas na, ang kasunod nito ay tuldok. Ngunit, maaring “hindi” rin. Papaano kung ang aking tula ay hindi natatapos o kaya’y walang katupusan. Di ba’t ang tula ay maaring walang hanggan. Bakit mo lalagyan ng tuldok ang isang bagay na alam mo bilang kanyang lumikha na hindi natatapos o kaya’y immortal. Di ba’t kadalasan ang layunin natin ay ang maging immortal sa pamamagitan ng ating mga tula o mga akda. Katulad din ng mga pintor, hindi nila binibigyan ng tekswal na paliwanag ang kanilang mga pintura dahil nais nilang patuloy na magkaroon ito ng marami at dibersipikadong interpretasyon. Mahirap nga siguro talagang magsulat…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


1 comments:
ang aking lamang ay ano mang uri ng sining ay hindi binuo para masabi lamang na ito ay sining ito ay nagawa para sa masa!
Post a Comment